Lunes, Abril 29, 2013

Best Friends ng Tadhana (KEENA)


Ni KATE JUSTINE CABLAS

Mag-isa niyang binabagtas ang daan pauwi sa pinaka-unang pagkakataon, wala na nag dating halakhakan at kulitan na nagbibigay sigla sa kanya. Tanging ang nakakabinging katahimikan ang naghahari sa kaibuturan ng naluluksa niyang puso.
Nag-uunahan sa pagdaloy ang mga likidong kristal mula sa maaamo niyang mata at kasabay nito ang paggunita niya ng araw nang ito ay nagpaalam sa kanya.
Kring. . . . .kring. . . . .kring. . . . .
Uwian na at sabik na sabik siya sa pagkakaalam na may sasabihing importante sa kanya ang matalik niyang kaibigan. Agad niya itong hinanap sa hindi mahulugang karayom na mga estudyante na naglalabasan sa kanilang unibersidad. Palinga-linga pa siya nang marinig niyang may tumawag sa kanya, nakilala niya agad ito, ang matalik niyang kaibigan.

“Hoy! Keena! Ano na ‘yung sasabihin mo sa akin? Tungkol ba sa crush natin? Wala ba talaga siyang girlfriend?” putak niya agad dito. Ngunit napipi ito, ni isang salita ay walang sumungaw sa mala-rosas na labi nito. Agad siyang nabahal, hinatak niya ito mula sa nagkukumpulang estudyante papunta sa hindi mataong lugar. Doon niya ito kinausap ng masinsinan at inusig kung ano ang bumabagabag dito.
“Nagdadalang tao ako!”, ang umalingawngaw na sagot nito sa kanya. Hindi niya lubos maisip na ang matalik niyang kaibigan ay mayroon nang dinadala sa sinapupunan nito. Mayroon pa itong gatas sa labi at walang kamuwang-muwang sa buhay. Ano pa kaya kung ito na mismo ang may ibinubuhay?
“Pasensiya ka na at hindi ko natupad ang pangako natin na magtatapos muna bago ang ganitong kabaliwan. Tatapusin ko na lamang ang semestreng ito at hihinto na muna ako sa pag-aaral. Doon na lang muna ako sa probinsya.” , at saka siya nito linisan. Malayu-layo na rin ito nang kanyang lingunin, ngunit hindi niya magawang habulin dahil animo’y napako siya sa kanyang kinatatayuan.
Natapos ang unang semestre, hindi niya nakita ni anino ng matalik niyang kaibigan. Siguro ay talagang pumirmi na ito sa probinsya tulad ng huling pahayag nito sa kanya. Ngunit araw-araw pa rin siyang pumupunta sa aklatan upang tingnan kung nandoon ito, tulad na lamang ng ginagawa nila noong ito ay nag-aaral pa. Gustong-gusto niyang makita ito, mahawakan at mayakap. Nais niyang magkwento dito ng mga kaganapan sa kanyang buhay tulad ng dati nilang ginagawa, ngunit napailap ng tadhana. Talagang wala na ito.
Peep. . . . Peep. . . .Peep. . . .
Nanumbalik ang kanyang ulirat. Nasa gitna na pala siya ng kalsada at muntik ng mabundol ng nagmamadaling jeep. Dali-dali siyang naglakad papunta sa gilid ng kalsada at nang lingunin niya ang jeep ay meron siyang nakitang buntis na sakay nito, kaya pala ito ay nagmamadali. Lalakad na sana siya nang meron siyang naalala na pamilyar na mukha, ang babaeng buntis na sakay ng jeep,
“Keena?! . . . . .”

2 komento: